Nakatuon ang pamunuan ng Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) na makamit ang lehitimong pagkilala bilang national sports association (NSA) sa bansa sa gagawing pag-apruba ng Philippine Olympic Committee (POC) General Assembly sa Marso 27.
Ito ay nang mapasakamay ng LVPI ang rekognisyon mula kay Asian Volleyball Confederation (AVC) Vice-president at Secretary General Shanrit Wongprasert matapos na isagawa kamakailan ang drawing of lots ng AVC Women’s Under 23 Championships na hahataw sa Mayo 3-9 sa Pilipinas.
“We have to respect the decision of the National Olympic Committee, because all the international federation has to work with the NOC’s. We, in the AVC and FIVB, have to work with the group recognized by the NOC as we have to work and run our championships in coincidence with the rules of FIVB and AVC,” sinabi ni Shanrit.
Ipinakilala sa naturang okasyon ang mga opisyal ng LVPI na binubuo nina POC 1st Vice-President Jose Romasanta bilang pangulo, Victorico Chavez bilang chairman, Peter Cayco bilang Vice-President-NCAA at Ricky Palou bilang Sec. Gen.-Shakey’s V League.
Ang mga director naman ay sina Rodrigo Roque (UAAP), Atty. Ramon Malinao, (POC Legal Counsel) at LVPI resident Board Member at IOC Managing Director Dr. Benjamin Espiritu, gayundin ang national coaches na sina Roger Gorayeb and Sammy Acaylar.
Ipinaliwanag ni Romasanta na hihingin ng LVPI ang basbas ng POC Executive at mismong kabuuang 52 miyembro NSA’s ng general assembly upang tuluyan nilang maisakatuparan ang pagbibigay direksiyon at programa ng volleyball sa bansa.
“We are committed to participate in all six events that were calendared as well as follow the program of AVC and the FIVB. We are also set to discuss the immediate long term program of the LVPI and organize the administration as well as the committee that will run the association,” pahayag ni Romasanta.
Inaasahan na makatatanggap ng matinding hamon si Romasanta at LVPI mula sa dating asosasyon na Philippine Volleyball Federation (PVF) na nais harangin ang pagkilala sa bagong organisasyon sa pamamagitan sa paglapit sa korte at paghingi ng Temporary Restraining Order (TRO).
Matatandaan na inihalal ng PVF ang kanilang bagong mga opisyal matapos resolbahin ang kanilang panloob na problema base sa iniatas ng POC sa pagsasagawa ng general assembly noong Enero 25 at iniluklok ang 9 kataong board of officers.
Inihalal naman ng board of officer na binubuo ni Karl Chan, Boy Cantada, Roger Banzuela, Ricky Palou, Victorico Chavez, Arnel Hajan, Al Mendoza, Mariano Diet-See at Mozzy Ravena ang pito katao nito lamang nakaraang Marso 1.
Nahalal si Edgardo “Boy” Cantada bilang pangulo habang Vice-President for Luzon si Engineer Mariano Diet-See, VP-Visayas si Roger Banzuela at VP-Mindanao si Arnel Hajan. Itinalaga ang dating PVF president na si Karl Geoffrey Chan bilang Secretary General habang Deputy Sec. Gen. si Gerard Cantada. Inilagay na Managing Project Director si Dr. Rustico “Otie” Camangian habang may dalawa lamang na tatayong director.