FORT DEL PILAR, Baguio City — “Nasa puso ko ang pagiging sundalo at kung mamamatay ako sa laban ay Diyos lamang ang nakakaalam at walang dahilan para hindi sundin ang utos sa nakakataas sa akin kung sanman ako dalhin ng tadhana.”
Ito ang pahayag ni Cadet First Class Arwi Chiday Martinez, ang valedictorian ng Sinaglahi Class of 2015 ng Philippine Military Academy (PMA).
Tubong Baguio City, si Martinez ay anak nina Dancio Martinez ng Buguias, Benguet na nagtatrabaho bilang forest ranger ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Cordillera; at Lolita Martinez.
Nagtapos si Arwi ng elementarya sa Loakan Elementary School at secondary level sa Baguio City National High School Loakan-Annex bago tumuntong sa PMA sa edad na 17.
Tatanggap si Arwi ng Presidential Saber mula kay Pangulong Aquino at Philippine Army Saber mula kay Army chief Lt. Gen. Hernando Eriberi.
“Kung madedestino ako sa Mindanao ay wala akong dapat ikatakot para ibuwis ang aking buhay sa pakikipaglaban para sa bayan. Nalulungkot ako sa mga nangyari sa SAF (Special Action Force) at sana’y hindi na maulit ito ,” wika pa ni Martinez, 21.
Kabilang si Arwi sa 171 kadete ng Sinaglahi (Sundalong Isinilang na may Angking Galing at Lakas, Handang Ipaglaban ang Bayan) Class 2015 na magtatapos sa Marso 15 kung saan si Pangulong Aquino ang guest of honor at speaker.
Ayon kay PMA Superintendent Lt. Gen. Oscar Lopez, ang nag-iisang babaeng kadete na kabilang sa top 10 ng Class 2015 ay si Caroline Jhoy Ramirez Nacional, 22, ng Maitong, Sarangani.
Ang ibang nakabilang sa top 10 graduate ay sina Genesis Salvador Dizon, ng Sta. Maria, Zamboanga Ciy (Number 2); John Paul Atanacio Bacsain ng Pili,Camarines Sur (No.3); Paolo Dominic Regis ng Calapan City, Oriental Mindoro (No. 4); John Denver Salinto Bambico ng Naguilian, La Union (No. 6); Jan Klyde Blair Tenedero Danganan ng Baguio City (No.7); Steven Gabica Tali ng Zamboanga City (No.8); Brian Salise Villanueva ng General Santos City (No.9 ); at Regeric Rex Rivas Fuentes ng M’lang, North Cotabato (No.10). (ZALDY C. COMANDA)