Dalawang bagong mukha ang tiyak na aabangan sa UAAP Season 78 men’s basketball tournament makaraang magpakitang-gilas at tulungan ang Sacred Heart School-Ateneo ng Cebu sa kampeonato sa katatapos na SeaOil NBTC National High School Basketball Championships sa Meralco Gym noong Linggo ng hapon.

Nakatakdang maglaro upang tulungang paangatin ni 2015 CESAFI MVP at NBTC finals MVP na si Felix Jaboneta ang performance ng University of the Philippines (UP).

Inaasahan naman na magiging isang promising rookie para sa University of Santo Tomas (UST) ang kakampi niya at kasama sa CESAFI Mythical Team na si Zachary Huang.

Pinili ni Huang ang UST dahil umano sa naging mas pursigido ang coaching staff ng Tigers sa pakikipag-usap sa kanya kumpara sa iba pang nagpahayag ng interes na makuha siya na kinabibilangan ng Letran at San Beda sa NCAA magmula ng makita siyang maglaro sa nakaraang Palarong Pambansa sa Sta. Cruz, Laguna.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi naman ni Jaboneta na nakapagdesisyon na siyang maglaro sa UP kung saan ay binabalak niyang kumuha ng kursong Bussiness Administration dahil hindi lamang makapaglaro ng basketball ang kanyang habol kundi makapagtapos din ng pag-aaral.

“Alam naman natin ang basketball ay hindi panghabang- buhay iyan. Gusto kong makapagtapos ng pag-aaral para magkaroon ng magandang trabaho at masigurong secured ang future ko,” pahayag ng 6-foot-1 at tubong Antique na si Jaboneta.