Hindi pa rin maatim ni House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte kung bakit siya kinasuhan ng treason kaugnay ng isinusulong na usapang pangkapayapaan sa rebeldeng sesesyunista.

“Sobrang takot ko!” pabirong pahayag ni Belmonte sa mga House reporter nang kunin ang kanyang reaksiyon sa kasong treason na inihain sa Office of the Ombudsman ni dating Assemblyman Homobono Adaza at ng komentaristang si Herman Tiu-Laurel.

Bukod kay Belmonte, kasamang kinasuhan nina Adaza at Laurel si Pangulong Benigno S. Aquino III at iba pang opisyal ng gobyerno dahil sa pagpasok sa kasunduan pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), partikular sa pagsusulong sa BBL.

“I have to rely on my kumare Senator Miriam Santiago who said it was thoroughly baseless. She should’ve added that it was ridiculous as well,” pahayag ni Belmonte tungkol sa treason charge.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Itinuring ni Belmonte, vice chairman ng Liberal Party, ang kasong treason o pagtatraydor sa sambayanan na walang basehan.

Inihain nina Adaza at Laurel ang kaso noong Miyerkules dahil paglabag umano sa Konstitusyon ang pagpasok sa kasunduan ng gobyerno sa MILF, na itinuturing ng dalawa bilang isang teroristang organisasyon.

Matatandaan na nilagdaan ng Government of the Philippines (GPH) at MILF ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) noong Marso 27, 2014.

Bahagi ng CAB ang isinusulong na Bangsamoro Basic Law (BBL) na ngayon ay nakabimbin pa rin sa Kongreso.

Subalit lumitaw ang ilang kuwestiyunableng probisyon sa panukalang batas matapos ang madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, na 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang brutal na pinaslang ng mga umano’y tauhan ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). (ELLSON A. QUISMORIO)