Inihayag kahapon ng Malacañang na hindi ito makikipagdiyalogo sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Justice for Islamic Movement (JIM) at Abu Sayyaf Group (ASG).

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na ang usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang hangaring magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao ay hindi lang para sa MILF kundi para sa lahat ng mamamayan ng rehiyon.

Gayunman, binigyang-diin ni Valte na hindi kailanman makikipag-usap ang gobyerno sa mga bandido.

“Kung ipagpapatuloy lang nila ang kanilang pagiging bandit group, ‘yan ang kanilang gustong layunin pero kung isasama para kausapin sila, parang hindi yata naaayon ‘yun,” sabi ni Valte.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Tandaan n’yo kung paano ‘yung naging evolution ng pakikipag-usap sa MILF,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Valte na ipagpapatuloy ng militar ang all-out offensive nito laban sa BIFF.

Samantala, sinabi ni Valte na may 16,111 pamilya sa 59 na barangay ang lumikas sa pag-iwas sa opensiba ng military laban sa BIFF.

Aniya pa, may 13,261 pamilya sa 49 na evacuation center at nagpalabas na ang gobyerno ng P16.6-milyon halaga ng ayuda.