Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tatlong Pinay nurse na nagtatrabaho sa magkakahiwalay na ospital sa Saudi Arabia ang tinamaan ng Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV).

Inihayag ni DFA Spokesman Charles Jose na isang 56-anyos ang kabilang sa tatlong Pinay nurse na sinadyang hindi pinangalanan at nakadestino sa magkakaibang pagamutan sa nasabing bansa.

Kasalukuyang inaasikaso at nasa isolation facility ang mga Pinay nurse ngunit hindi pa tiyak ang estado ng kondisyon ng kanilang kalusugan.

Gayunman, sinabi ni Jose na maaaring maagapan ang lagay ng tatlo dahil maagang kinakitaan ang mga ito ng mga sintomas ng MERS-CoV.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Muling nanawagan ang DFA sa mga Pinoy sa Middle East na boluntaryong magpasuri sa mga doktor bago umuwi ng Pilipinas upang magamot sakaling tinamaan ng naturang sakit.

Matatandaang noong nakaraang buwan ay nagpositibo sa MERS-CoV ang isang Pinay nurse mula sa Saudi Arabia matapos siyang umuwi ng Pilipinas, pero agad siyang gumaling at idineklara ng Department of Health (DoH) na MERS-CoV free.

Batay sa ulat, nasa pitong overseas Filipino worker na ang namatay sa Saudi Arabia dahil sa MERS-CoV, bukod pa sa ilang namatay sa sakit sa United Arab Emirates.