Ibinunton muli ng Palasyo ang sisi kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) sa mga nararanasang perhuwisyo ng mga pasahero sa palpak na operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).
Sinabi kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na hindi sana dumaranas ng aberya ang mga pasahero kung nagkaroon ng political will at hindi masyadong mura ang singil sa pasahe sa MRT at LRT.
Ang mababang pasahe aniya ang dahilan kaya hindi namantine nang maayos ang MRT at LRT kaya nagpatupad ng fare hike ang gobyernong Aquino upang mapabuti ang serbisyo.
“Masyadong naging mura, comparatively speaking, ‘yung singil sa MRT-LRT na way below the cost that is needed na para mamintine ito. Kaya nga ngayon ay nagpatupad tayo, sa kabila ng maigiting na kritisismo, ginawa ng administrasyon ‘yung nararapat, ‘yung ipinatupad ‘yung dapat na maging fare structure dahil iyan naman ang sinasaad sa ating Philippine Development Plan, na ‘yung mga users ng serbisyo ang siyang dapat na magbayad ng nararapat na halaga,” dagdag pa niya.
Iginiit ni Coloma na patuloy na hinaharap ng pamahalaan ang problema sa MRT at LRT at hinihintay na lamang ang pagdating ng mga biniling bagong bagon para pamalit sa mga lumang train.