Mga Laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

2 p.m. – NU vs ADMU (men’s finals)

4 p.m. – NU vs DLSU (women’s step-ladder)

Maitakda ang ikatlong sunod na taong pagtatapat nila ng mahigpit na karibal na Ateneo de Manila sa women’s finals ang tatangkain ng De La Salle habang panibagong twin kill naman ang pupuntiryahin ng National University sa pagpapatuloy ng aksiyon ngayon ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Taglay ang bentaheng twice-to- beat bilang second seed, isang panalo lamang ang kailangan ng Lady Spikers upang umusad sa finals at muling makaharap ang una nang finalist at defending champion na Lady Eagles sa pagtutuos nila ng 3rd seed na NU Lady Bulldogs sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Una rito, target naman ng Bulldogs na makalapit sa asam na 3-peat sa muli nilang pagtutuos ng Ateneo Blue Eagles sa rematch ng nakaraang taong finals sa ganap na alas-2:00 ng hapon.

“Consistency all throughout the game, hindi ‘yung first two sets lang. Sana magawa namin ‘yun para magkaroon kami ng magandang chance against La Salle,” pahayag ni multi-titled coach Roger Gorayeb hinggil sa kanilang pakay na umabot sa finals.

Sa kabilang dako, karanasan naman sa mga ganitong playoffs ang sasandigan ni La Salle coach Ramil de Jesus bilang bentahe nila kontra sa Lady Bulldogs.

Kabilang sa aasahan ni De Jesus para sa target na finals appearance ay sina Mika Reyes, Cyd Demecillo, Carol Cerveza, setter Kim Fajardo at skipper Ara Galang.

Tatapatan naman sila sa kabilang panig nina Jaja Santiago, Mylah Pablo, Desiree Dadang, Rizza Mandapat at rookie Jorelle Singh.

Samantala, sa unang laro, dikdikang labanan naman ang inaasahan sa muling pagtatagpo nang nakaraang taong finals protagonists na NU at Ateneo, kung saan ay babawi ang huli para makamit ang asam na titulo.

Gaya ng nakaraan nilang mga laban, aasahan ni coach Oliver Almadro para pamunuan ang Ateneo sina reigning MVP Marck Espejo, Joshua Miguel Villanueva at Wilson Marasigan habang tiyak na ipantatapat sa kanila ni NU coach Dante Alinsunurin sina Peter Torres, Jan Berlin Paglinawan, Reuben Inaudito at Edwin Tolentino.