Inihain na sa piskalya ng Cagayan ang mga ebidensiya laban sa mga sangkot sa nadiskubreng shabu laboratory noong Pebrero 26 sa Barangay Nicolas Agatep sa Lasam, Cagayan.

Kasama sa mga inireklamo si Orlino Agatep, dating election officer ng Tuguegarao City, at tatlong caretaker ng naturang shabu laboratory.

Kasong paggawa ng shabu at illegal possession of firearms ang inihain ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban kay Agatep na hinihinalang sangkot sa “narco-politics” o namamayagpag sa pulitika gamit ang nakamkam na salapi sa drug operations.

Naaresto si Agatep sa kanyang bahay, na roon ay natagpuan din ang mga gamit sa paggawa ng shabu at mga armas na walang lisensiya.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Samantala, nahaharap naman sa kahalintulad na reklamo ang isang dating barangay chairman sa Gattaran, Cagayan matapos na makumpiskahan ng mga kemikal sa paggawa ng shabu sa hiwalay na pagsalakay ng PDEA.

Iniulat naman ni Juvenal Azurin, director ng PDEA Region 2, na tinatayang P3.5 bilyon ang sinabi nilang market value ng mga nasamsam sa shabu laboratory.