Nais ni Senator Ramon Bong Revilla Jr, na madalaw ang anak na si Cavite Vice Governor Jolo Revilla na aksidente umanong nabaril ang sarili habang nililinis ang baril nito noong Sabado ng umaga sa kanilang bahay sa Ayala Alabang.
Ayon ay Atty. Ramon Esguerra, abogado ng mga Revilla, inihahanda na nila ang mga dokumento para hilingin sa korte na payagan ang Senador na madalaw ang anak na nasa Asian Medical Center sa Muntinlupa City.
Si Bong ay kasalukuyang nakapiit sa Philippine National Police-Custodial Center sa Camp Crame habang nahaharap sa kasong plunder kaugnay sa multi-bilyong pisong pork barrel fund scam.
Samantala, iginiit ng kampo ni Jolo na isang insidente ng accidental firing ang nangyari at hindi ito suicide attempt.
Base sa salaysay ni Jolo at kanyang pamilya hinggil sa insidente noong Sabado kung saan nagtamo ang dating aktor ng tama ng bala sa kanang bahagi ng kanyang dibdib.
Jose Lorenzo Hernandez Bautista sa tunay na buhay, isinugod ang 26-anyos na aktor sa Intensive Care Unit (ICU) ng Asian Hospital and Medical Center sa Alabang, Muntinlupa City .
Nakatakdang operahan dakong 2:00 ng hapon kahapon upang matanggal ang namuong dugo sa loob ng kanyang katawan. Ang operasyon ay tatagal lamang ng isang oras, ayon kay Fortun.
Samantala, sinabi pa ni Fortun at iba pang source, stable na ang kondisyon ni Jolo. (LEONEL ABASOLA, ANTHONY GIRON at JONATHAN HICAP)