Tumangging maghain ng plea si dating Makati City Mayor Elenita Binay kaugnay ng dalawang bilang graft at dalawang kaso ng malversation na kinahaharap niya na may kinalaman sa umano’y overpricing ng P40-milyon halaga ng hospital equipment na hindi dumaan sa public bidding noong siya pa ang alkalde ng lungsod dalawang dekada na ang nakararaan.
Binasahan ng sakdal si Mrs. Binay kamakalawa sa Sandiganbayan Third Division habang kasama ang kanyang anak na si Makati Rep. Aibgail Binay.
At dahil tumanggi siyang maghain ng plea, idineklara ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang “not guilty” plea para sa akusado base sa Rules of Court.
Samantala, naghain ng not guilty plea sa korte ang dalawang kapwa akusado ni Mrs. Binay na sina dating Makati City General Services Department head Ernesto Aspillaga at dating City Treasurer Luz Garcia.
Kinasuhan si Elenita Binay, maybahay ni Vice President Jejomar C. Binay, ng isang bilang ng graft at isang malversation sa overpricing umano sa pagbili ng hospital bed, bedside cabinet at orthopedic bed mula sa Apollo Medical Equipment and Supplies na nagkakahalaga ng P36,431,700 na hindi idinaan sa public bidding noong 2001.
Tig-isa pang count of graft at malversation ang inihain kay Mrs. Binay sa overpriced purchase ng tatlong unit ng Kwiklave Electronic Dry Heat Autoclave Sterilizer at dalawang unit ng Auto Dry Heat Sterilizer na nagkakahalaga ng P8,830,000 mula sa Apollo Medical Equipment na wala ring public bidding.
Bukod sa apat na kasong hinahawakan ng Third Division, kinasuhan din si Mrs. Binay ng tatlong bilang ng graft dahil sa “excessive and overpriced purchase” ng mahigit P107 milyong halaga ng office furnishings na hindi rin idinaan sa public bidding mula 1999 hanggang 2000.