Baon ang inspirasyon at kumpiyansa buhat sa tatlong malaking panalo kontra sa mga itinuturing na mga higante sa liga, pupuntiryahin ng Kia Carnival ang ikaapat na panalo sa muli nilang pagtatagpo ng kapwa expansion team na Blackwater sa pagpapatuloy ngayon ng 2015 PBA Commissioner’s Cup.
Sa ganap na alas-5:00 ng hapon magsasagupa ang Kia at Elite sa labang orihinal na nakatakda sanang laruin sa Tubod, Lanao del Norte ngunit napagdesisyunan na lamang na ilipat sa FilOil Flying V Arena sa San Juan dahil na rin sa alanganing sitwasyon ng kapayapaan sa Mindanao.
Binansagan na ngayong “Giant Slayer,” matapos ang kanilang malaking panalo kontra sa Philippine Cup champion San Miguel Beer, defending champion Purefoods Star at ang pinakahuli ay kontra sa Talk ‘N Text, target ng Kia na maulit ang nauna nilang panalo sa Blackwater sa opening ng nakaraang first conference sa Philippine Arena sa Bulacan noong Oktubre.
Sa pagkakataong ito, muling nangako na lalaro ang kanilang playing coach na si Manny Pacquiao upang bigyan ng karagdagang inspirasyon at motibasyon ang kanyang mga player bago iwanan para sa pagtungo nito sa Estados Unidos upang paghandaan ang nakatakdang laban nila ni Floyd Mayweather Jr.
Sa panig naman ng Elite, hangad naman nilang makabawi sa Kia at tuloy ay makaahon sa kinahulugang tatlong sunod na talo, ang pinakahuli ay sa kamay ng Barangay Ginebra, 82-89, makaraan ang natikman nilang nag-iisang panalo kontra sa San Miguel Beermen magmula noong nakaraang conference.
Inaasahan na magiging malaking hamon para kay Gilas naturalized center Marcus Douthit at sa local big men ng Elite kung paanong pipigilan si Kia import PJ Torres, gayundin ang maiinit nilang shooters sa pangunguna ni Hyram Bagatsing na umupak ng 21 puntos kontra sa Tropang Texters, kabilang na rito ang anim na 3 pointers.
Sisikaping pangalagaan ng Kia ang kinalalagyan nilang solong ikalimang puwesto habang magsisikap namang umangat ang Blackwater na kasalukuyan ay may barahang 1-6 (panalo-talo).