Inaprubahan ng Department of Justice (DoJ) ang paghahain ng kasong parricide laban kay Dalia Guerrero-Pastor kaugnay sa pagkakapatay sa asawa nitong si international race car driver Enzo Pastor noong Hunyo 2014.

Samantala, kinasuhan ng DoJ ang umano’y kalaguyo ni Dalia, na si Domingo “Sandy” De Guzman, ng murder matapos itong makipakutsabahan umano kay Mrs. Pastor sa pagpatay kay Enzo.

Ang kasong parricide at murder ang kapwa non-bailable offense.

Sa 13-pahinang resolusyon, mas binigyang timbang ni Assistant State Prosecutor Susan Villanueva ang testimonya ni PO2 Edgar Angel, na unang isinalaysay na sina Sandy at Dalia ang utak sa pagpatay kay Enzo bago nito binawi ang kanyang testimonya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Si Angel, na unang umamin na binayaran siya ni Dalia at Sandy ng P100,000 upang iligpit si Enzo, ang unang kinasuhan sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) kaugnay sa pagpatay kay Enzo.

Bagamat binawi ni Angel ang kanyang unang testimonya na nagdidiin kay Dalia sa pagkamatay ng asawa nito, iginiit ni Villanueva na hindi ito nangangahulugan na dapat balewalain ang kanyang unang pahayag dahil dito masusubukan ang kredibilidad ng iba pang suspek at testigo sa kaso.

“While it may be true that there is no direct evidence pointing to both respondents as direct participants, there is interlocking circumstantial evidence that would point to their complicity in the commission of the crime,” pahayag ng prosekuyson.

Bukod dito, idinitalye na rin ni Chona Dmen, kasambahay ng mga Pastor, sa kanyang affidavit ang lihim na relasyon nina Dalia at Sandy.

Matatandaan na binaril at napatay si Enzo sa panulukan ng Congressional at Visayas Avenue sa Quezon habang sakay sa isang flat bed truck na kargado ang kanyang race car patungong Clark International Raceway sa Pampanga noong Hunyo 12, 2014.