GENERAL SANTOS CITY – Inaresto nitong Miyerkules ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang barangay kagawad dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Banga, South Cotabato.

Inaresto ng mga operatiba ng PDEA si Emmanuel Malala, 28, kagawad ng Barangay Improgo sa Banga, makaraang naaktuhan umano sa pagbebenta ng apat na sachet ng hinihinalang shabu sa poseur buyer ng ahensiya.

Sinabi ni Jerome Valentos, ng PDEA, na tinutugaygayan nila si Malala sa nakalipas na mga buwan dahil sa pagkakasangkot nito sa bentahan ng ilegal na droga.

Itinanggi naman ni Malala na nagbebenta siya ng ipinagbabawal na gamot, pero umaming gumagamit siya—at agad na dumepensa na sa kabila nito ay hindi siya nagpapabaya sa kanyang tungkulin bilang kagawad ng Improgo. - Joseph Jubelag

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3