Dumating na sa Pilipinas si French President François Hollande para sa kanyang dalawang-araw na state visit.

Si Hollande ang unang pangulo ng France na bumisita sa Pilipinas mula nang maitatag ang diplomatic relations ng dalawang bansa noong 1947.

Dakong 11:30 ng tanghali nang lumapag sa Villamor Air Base sa Pasay City ang eroplanong sinakyan ng presidente, na sinalubong nina Vice President Jejomar Binay, Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario, Finance Secretary Cesar Purisima at Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino.

Kasama ni Hollande na dumating sa Pilipinas ang French actress na si Marion Cotillard, na kilalang environmental advocate.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Mula sa paliparan, dumiretso sa Luneta si Hollande para sa wreath-laying ceremony sa bantayog ni Gat Jose P. Rizal, at dito ay binigyan siyang simbolikong susi ni Manila Mayor Joseph Estrada.

Pagkatapos ay tumuloy sa isang business forum sa Makati ang French leader bago tumuloy sa National Museum para sa paglulunsad ng Forum on Climate Change Issues.

Sa kanyang pagbisita, ipararating ni Hollande ang mensahe at pananawagan ng suporta laban sa climate change.

Dakong hapon ay nagtungo si Hollande sa Malacañang para sa bilateral talks at state dinner. Pag-uusapan din nila ang mga usaping pandaigdig at pangrehiyon, gaya ng terorismo.

Ngayong Biyernes ay magtutungo naman si Hollande ang Guiuan, Eastern Samar na isa sa pinakamatitinding sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ noong 2013.