Walang tutol ang mga commuter sa panukalang itaas ang pasahe sa Philippine National Railways (PNR), sinabing dapat lang na makipagtulungan ang mga pasahero para mapabuti ang serbisyo ng pinakamatandang mass transit system sa bansa.
Sinabi kahapon ni Elvira Medina, ng National Center for Commuter Safety and Protection (NCCSP), na hindi tinututulan ng kanilang grupo ang plano ng gobyerno na itaas ang pasahe sa PNR, lalo dahil ang sinisingil ngayon ng tren ay itinakda may 20 taon na ang nakalipas.
“We support the PNR because it is the machinery that brings low-salaried employees and workers to the industrial zones. Besides, PNR fares are still reasonable if you compare it with the time and cost of travel by land,” ani Medina.
Matatandaang nagpahayag ang PNR ng kagustuhang magtaas ng minimum na pasahe, na mula P10 ay magiging P15 at aabot sa P60 ang umiiral ngayong P45 na pinakamataas na pasahe. Itinakda ngayong Huwebes ang public consultation sa panukalang taas-pasahe, sa PNR Tutuban Station sa Maynila.
Gayunman, hindi gaya ng NCCSP ay mariing tinututulan ng Riles Laan sa Sambayanan (RILES) Network ang taas-pasahe sa PNR, at iginiit ni Sammy Malunes na dapat na itaas ang pasahe matapos mapagbuti ang serbisyo.
Lalahok ang RILES sa public consultation ngayong Huwebes. (Kris Bayos)