DAGUPAN CITY– Inungusan ni Dominic Perez ng 7-11 ByRoad Bike Philippines ang pitong iba pang siklista upang hablutin ang kanyang unang panalo sa 138.9km Stage Five ng ginaganap na Ronda Pilipinas 2015 na inihahatid ng LBC na nagsimula sa Tarlac City at nagtapos sa Dagupan City Hall.
“Tinulungan po ako ng kakampi ko na si Edgar Nieto na kumawala dahil siya ang nag-lead out tapos noong hinabol siya ng mga kalaban ay saka lamang ako bumanat mula sa kaliwa para makatawid sa finish line. Nagpapasalamat po ako at napanalunan ko ang aking unang Stage lap,” sinabi ng hindi gaanong kilala na si Perez.
Ang 22-anyos na si Perez, na mula Sto. Tomas, Pangasinan at nasa ika-38 overall, ay nakuhang makipagsabayan sa 24 kataong breakaway papasok sa San Manuel, Pangasinan bago nito nagawang ungusan sa ratratan tungo sa finish line sina Mark Julius Bonzo na pumangalawa at pumangatlo na si John Renee Mier.
Itinala ni Perez ang kabuuang 3 oras, 4 minuto at 42 segundo na katulad na isinumiteng oras nina Bonzo, Mier, Jerry Aquino Jr., Lloyd Lucien Reynante at El Joshua Carino. Ikaanim si Lord Anthony del Rosario, ikapito si Roel Quintoy, Alfie Catalan at Edgar Nieto.
Bahagya namang gumalaw ang labanan para sa overall leadership matapos na magkakasabay na dumating ang mga umookupa sa liderato upang manatiling suot sa ikaapat na araw ang simbolikong LBC red jersey nang tinanghal na 2011 Ronda Pilipinas champion na si Santy Barnachea ng Philippine Navy.
“Bukas (Stage 6 ngayon) talaga ang krusyal na labanan,” pahayag ni Stage One winner George Oconer, na napag-iwanan ng 7 minuto at 38 segundo, tungkol sa krusyal na huling tatlong yugto na magtatapos lahat sa mga bulubundukin ng Baguio.
Napanatili ni Barnachea, na itinala ang 3:08:02 sa yugto, ang overall leadership mula sa kabuuang 17:29:03 oras habang kasunod si Oconer na may 17:36:41. Umakyat sa ikatlong puwesto si Jan Paul Morales na mula sa ikalimang puwesto na may 17:38:29.
Nahulog si Cris Joven mula sa ikatlo tungo sa ikaapat (17:40:33) habang mula sa ikaapat ay sumadsad sa ikalima si Ronald Oranza (17:40:38). Umakyat si Lloyd Lucien Reynante mula sa ikawalo tungo sa ikaanim (17:40:44) gayundin si Irish Valenzuela na mula sa ikasiyam ay umusad sa ikapitong puwesto (17:41:05).
Ikawalo si Elmer Navarro na mula sa ika-10 puwesto (17:41:15) habang nasa ikasiyam si Jonipher “Baler” Ravina na mula sa dating ika-12 puwesto (17:41:52) at ikasampu ang Spaniard na si Edgar Nieto na may 17:42:19. Hindi naman maaring maging kampeon si Nieto na kalahok lamang bilang guest rider.
Nakamit naman ni Baler Ravina ang King of the Mountain habang pinamunuan ni John Paul Morales ang Sprint category. Nanguna naman sa Under 23 si John Mark Camingao.
Mula sa kabuuang 102 siklista ay may natira na lamang 83 na kabilang pa ang 11 kalahok sa juniors division.
Ang Ronda Pilipinas 2015 na inihahatid ng LBC ay suportado ng major sponsors na Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Mitsubishi at maging ang minor sponsors na Cannondale, Standard Insurance, Tech1Corp., Maynilad at NLEX kung saan ang karera ay may basbas ng PhilCycling sa pamumuno ni Cavite Congressman Abraham “Bambol” Tolentino. Ang TV5 at Sports Radio ang tumatayo bilang media partners.
Sasabak naman ngayon ang mga siklista sa 152km Stage 6 na halos kapatagan mula sa Dagupan City Hall bago ang matinding akyatin sa pagtahak ng riders sa Naguilian Road patungo sa Burnham Park sa Baguio City.