Nakumpiska ng pulisya ang P25-milyon halaga ng ilegal na droga mula sa bahay ng isang mag-asawa na kasapi ng malaking sindikato ng droga sa South Cotabato, noong Martes ng gabi.
Sa kabila ng pagkakasamsam ng malaking bulto ng shabu ng mga operatiba ng Sto.Niño Police, nabigo ang pulisya na maaresto ang mag-asawang Johnny at Fatima Mantawel, na nakatakas sa isinagawang operasyon.
Sinabi ni Chief Insp. Joel Fuerte, hepe ng Sto. Niño Police, na matagal na nilang sinusubaybayan ang operasyon ng droga ng mga suspek sa nasabing bayan.
Sinalakay ng pulisya ang bahay ng mag-asawa sa Purok Malipayon, Barangay Ambalgan sa Sto. Niño, South Cotabato nitong Martes ng gabi.
Sinabi ni Fuerte na ito ang pinakamalaking halaga ng shabu na nakumpiska ng pulisya sa lalawigan.
Ito na ang ikalawang pagkakataon ngayong taon na nakakumpiska ng multi-milyong halaga ng shabu sa nasabing barangay.