Tatangkain ng Jose Rizal University (JRU) na mapasakamay ang ikalimang sunod na titulo sa pagbubukas ngayon ng NCAA Season 90 track and field competition sa Philsports Arena sa Pasig City.

Ang kampanya ng Heavy Bombers, na nasa ilalim ng paggabay ng dating national coach na si Jojo Posadas at kanyang maybahay at dating long jump queen na si Elma Muros Posadas, ay pangungunahan ni reigning MVP Domingo Cabradilla.

Sa pamumuno ni Cabradilla, na nagwagi ng tatlong gintong medalya noong nakaraang taon, nakopo ng Heavy Bombers ang kanilang ikaapat na sunod na titulo makaraang ungusan ang mahigpit na mga katunggaling College of St. Benilde (CSB), University of Perpetual Help, San Sebastian College (SSC) at Letran.

“Kung nahirapan kami noong nakaraang taon, siguradong mas mahihirapan kami ngayon, kasi lahat naman ng teams talagang pinaghahandaan ito at nagpalakas nang husto dahil gusto kaming matalo,” pahayag ni Posadas.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Para naman kay JRU athletic director at NCAA Management Committee chairman Paul Supan, inaasahan nilang muli silang makakatuklas ng mga atletang may potensiyal para maging miyembro ng national team sa taon na ito.

“We’re very happy with the level of competition over the years because we’re really getting highly competitive,” ani Supan. “Hopefully, we could continue to contribute athletes to the national team this year.”

Samantala, sinabi ni Mapua athletic director at NCAA Mancom member Melchor Divina, na siyang host ng athletics competition, na walong gold medals ang agad na paglalabanan sa unang araw ng 3-day event.

Kinabibilangan ang mga ito ng seniors pole vault at long jump at juniors discus throw at long jump sa umaga at seniors discus throw, 100 meter dash, juniors 100m at 2000m steeplechase sa hapon.

“We expect an exciting edition this year,” ayon kay Divina.