Inatasan ng Korte Suprema ang Commission on Elections (Comelec) at Smartmatic-TIM na magkomento sa petisyon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) laban sa kontrata sa pagkukumpuni sa mga lumang precinct count optical scan (PCOS) machine.
Binigyan ng Korte Suprema ng 10 araw ang Comelec at Smartmatic para magsumite ng sagot sa petisyon ng IBP.
Kaugnay nito, hindi muna inaksiyunan ng hukuman ang hiling na temporary restraining order (TRO) ng IBP laban sa P268-milyon na kontrata.
Sa kanilang petisyon, nais ng IBP na ipawalang-bisa ng Korte Suprema ang Comelec Resolution 9922 dahil sa paglabag sa RA 9184 (Government Procurement Law).
Naniniwala ang IBP na may grave abuse of discretion sa panig ng Comelec.
Lumalabas kasi na pumasok ang komisyon sa “direct contracting” at nilabag ang requirement para sa competitive bidding na itinatakda ng RA 9184.