ANTIPOLO, Rizal– Muling ipinamalas ni Ronald Oranza ang tibay at tapang sa matatarik na mga akyatin sa mapaghamong 146.8 km Stage Two sa ginaganap na 2015 Ronda Pilipinas na inihatid ng LBC na nagsimula sa Calamba City at nagtapos sa Quezon National Forest Park sa Atimonan, Quezon noong Linggo ng gabi.

Nagmistulang patag sa 22-anyos na miyembro ng Team Philippines at Philippine Navy na si Oranza ang liku-liko at matarik na daan sa tinaguriang ”Bitukang Manok” tungo sa solong pagtawid sa finish line sa kabuuang oras na 3:45:05.

Sumunod sa kay Oranza si Marcelo Felipe (3:45:11), ikatlo si Mark Julius Bordeos (3:47:09), ikaapat si George Oconer (3:48:10) at ikalima si Santy Barnachea (3:48:10). Nasa Top 10 sina Cris Joven (3:48:36), John Paul Morales (3:48:56), Mark John Lexer Galedo (3:48:56), Merculio Ramos Jr. (3:49:26) at Edgar Nieto (3:49:26).

“Alam ko po na mahihirapan ako kapag sabay-sabay kaming aakyat kaya kumawala na ako. Inabot ko ho si Marcelo Felipe dito na lamang halos sa 800m kaya noong nakita ko iyong marker ay inatake ko na,” sinabi ng mula sa Villasis, Pangasinan na si Oranza.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinapitan naman ni Oconer, na unang nagwagi sa Stage One sa criterium race, ang simbolikong red jersey na katumbas ng overall leadership nang itarak nito ang kabuuang oras na 5:01:15, na may 29 segundong abante kina Cris Joven (5:01:43) at ang umakyat sa ikaltlong puwesto na si Oranza (5:01:57).

Nagwagi sa stage junior category si Mervin Corpuz matapos ungusan sina Daniel Ven Carino at Joshua Giles sa isinumiteng maggkakaparehong oras na (3:15:32). Napunta naman ang overall juniors leadership kay Carino sa oras na 4:32:24 kasunod sina Jay Lampawog (4:33:00) at Corpuz (4:37:51).

Samantala, nagtamo naman ng basag na ngipin ang miyembro ng Northern Luzon team na si Nilo Valdez na kalahok sa juniors category matapos itong batuhin ng isang lasing na manonood habang tinatahak ang lugar ng Quezon.

Habang sinusulat ito ay isinasagawa ang Stage 3 na tatahak sa kabuuang 171.1 kilometro na sisimulan sa Quezon Provincial Capitol sa Lucena City at magtatapos sa Rizal Provincial Capito sa Antipolo City.

Ang panalo ay kabuuang ikaapat na stage victory ni Oranza, ang isa ay noong 2013 habang winalis nito ang dalawang yugtong pinaglabanan sa ginanap na Luzon qualifying leg na nagtulak dito upang tanghaling kampeon.

Sa kabilang dako, dagdag na insentibo naman para sa tatanghaling top two sa 11 kalahok na junior riders ang pagpapadala sa kanila sa Union Cycliste International (UCI) Training Center sa Korea.

Sinabi ni Ronda Pilipinas Executive Director Moe Chulani na ang tatanghaling kampeon at ikalawang puwesto ay sasailalim sa 60 araw na pagsasanay sa UCI Training Center na nasa ilalim ng pamamahala ng isa sa mga namamahalang Commissaire sa karera sa bansa na si Eduard Park.