Magsasagawa ng sit-down strike ngayong Martes ang mga kasapi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) para igiit ang dagdag na sahod ng mga guro.

Ayon kay France Castro, secretary-general ng ACT, sasama sa protesta ang Manila Public School Teachers Association (MPSTA) upang igiit ang dagdag sa suweldo at benepisyo ng mga guro.

Nais ng grupo na ipatupad ang RA 4670 o ang Magna Carta for Public School Teachers.

Inihayag ng MPSTA na igigiit nilang itaas sa P25,000 ang P18,549 na kasalukuyang sinasahod ng bagong guro.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa hanay naman ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), sinabi ni Benjo Basas na marami nang pagkukulang o pagkakautang ang administrasyong Aquino kaya panahon na aniyang dagdagan ang suweldo at mga benepisyo ng mga guro.

Aniya, 2009 pa huling itinaas ang sahod ng guro.

Napag-alaman din na kaisa ang mga guro sa panawagang magbitiw na sa puwesto si Pangulong Benigno S. Aquino III.

Samantala, nagsabog kahapon ng itim na confetti ang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila bilang bahagi ng isang-linggong pagkilos para hilingin ang resignation ni PNoy.

“We call on each and every Iskolar ng Bayan to walk out from their classes on Friday, February 27,” himok ni PUP Student Regent Neill Macuha.

“On this day, the lesson we have to learn is not inside the four corners of our classrooms but out on the streets. This February 27, let us learn the value of collective action: the more voices that speak out against this regime, the stronger the voice of dissent would become,” sabi naman ni PUP Student Regent Alexis Tiotangco.

Inihayag din ng Youth Act Now na sasali sila sa human chain na gagawin sa pagdiriwang ng ika-29 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution bukas, Pebrero 25.