Tanging executive privilege lang ang makapipigil sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa Mamasapano incident ngayong Lunes.
Ayon kay Senator Grace Poe, ito lang ang makapipigil kay dating Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima para hindi maisiwalat ang napag-usapan nito at ni Pangulong Benigno S. Aquino III bago sumalakay ang PNP-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.
Paliwanag ni Poe, sa kanyang personal na pananaw ay mas mainam kung isisiwalat ni Purisima ang napag-usapan nito at ng Pangulo na nabanggit na sa kanilang executive session para higit na malinawan ang imbestigasyon at ang publiko kung ano ang naging papel sa operasyon ng dating PNP chief.
“Sa tingin ko babasahin ni Alan ang napag-usapan nila ni Pangulong Aquino. Walang dahilan para pigilan ito or executive privilege,” ayon kay Poe.
Aniya, malaking bagay ang palitan ng text messages nina Pangulong Aquino at Purisima kaya mas mainam na ihayag na rin ito.
Sinabi pa ng senadora na dapat na malaman kung may naging pagkakamali ang mga mensahe sa Pangulo habang isinasagawa ang operasyon sa Maguindanao.
“Maraming pagkakamali; chain of command, communication, ibang strategy. Kailangan din natin malaman na ano talaga ang ipinaabot nila [na mensahe] kay President. May mga itinago pa ba?” dagdag ni Poe.
Sinabi pa ni Poe na kailangan ding malaman mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung ano ang naging papel ng Amerika sa nasabing operasyon na ikinamatay ng 44 na tauhan ng SAF, ng ilang rebelde at ilang sibilyan.