Hindi na dapat pang masorpresa ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ng mabibigo itong makumbinse ang mga mambabatas na kailangan nang maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil patuloy na naninindigan ang grupo laban sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang buwan, ayon sa mga senador.
Ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., chairman ng Senate committee on local government na pangunahing komite na nag-aaral sa proseso ng BBL, ang pagtanggi ng MILF sa responsibilidad nito sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ay hindi nakatutulong sa proseso ng BBL.
Ito ang inihayag ni Marcos makaraang makarating sa kanyang kaalaman na batay sa sariling imbestigasyon ng MILF ay dumepensa lang ang mga miyembro nito, kasama ang mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), para sa kanilang teritoryo nang tangkain ng PNP-SAF na arestuhin ang Malaysian terrorist at bomb expert na si Zulkifli Binhir, alyas Marwan, na nagtatago sa lugar.
Sa report nito, sinisi ng MILF ang pamunuan ng PNP sa pagkasawi ng 44 mula sa SAF.
“Mas gusto kong hintayin at basahin mismo ang kanilang (MILF) report. Pero kung patuloy lang nilang ibubunton ang sisi sa PNP lang, hindi ito makakatulong sa peace process dahil walang na-massacre sa tropa ng MILF,” sinabi ni Marcos sa isang panayam sa radyo.
“Wala (mula sa MILF) ang sugatan na at nakahandusay sa lupa ang walang awang pinagbabaril hanggang sa mamatay,” pagbibigay-diin ng senador.
Pangunahing layunin ng BBL, aniya, ang buhayin ang kasunduang pangkapayapaan ng gobyerno at MILF upang maiwasan ang mga insidenteng gaya ng nangyari sa Mamasapano.
“Alam nating napapaligiran ang ating SAF troopers, at alam nating batid ng MILF commander sa lugar na mga pulis ang kaharap nila pero pinatay pa rin nila. Hindi ito tama. ‘Di mo puwedeng sabihin na: ‘di kayo nakipag-coordinate, so, walang kasong patayin ang 44 na pulis,” paliwanag ni Marcos.
Hinimok naman ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang gobyerno na makipagnegosasyon “from a position of strength” at ipagtanggol ang papel ng gobyerno sa peace process.
“Ang apela ko sa gobyerno, makipagnegosasyon tayo from a position of strength, at umaasa akong may magsasalita para sa gobyerno,” ani Cayetano.
“Ang problema sa ating peace panel, kampi sila sa MILF. Kapag nagsasalita sila, parang hindi sila mula sa panig ng gobyerno,” anang senador.