Hinikayat ng Department of Energy (DoE) ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente ngayong tag-init upang maiwasan ang salit-salitang brownout sa Luzon, kabilang ang Metro Manila, at maging sa Visayas region, bunsod ng pagnipis ng reserba ng supply ng kuryente.
Umapela rin ang kagawaran sa malalaking establisimiyento, gaya ng mga shopping mall at pabrika, na gamitin ang kanilang generator sets upang maibsan ang kinukuhang supply ng kuryente sa electric company tulad ng Meralco, lalo at inihayag nito ang napipintong pagpapatupad ng P1 dagdag-singil sa kada kilowatt hour na konsumo.
Ayon kay DoE Director Zenaida Monzada karaniwang nagiging manipis ang reserba ng kuryente mula sa mga power plant dahil sa sobrang init at idagdag pa ang madalas na pagpalya ng mga planta tuwing Marso at Abril bunga na rin ng kalumaan ng ilan sa mga ito.
Upang maiwasan ang posibleng dalawang oras na rotating brownout sa Luzon at Visayas, pinayuhan ang publiko na magtipid sa kuryente at gamitin nang wasto ang kanilang appliances, partikular ang electric fan at air-conditioner upang hindi tumaas ang bayarin sa kuryente.
Malaking tulong ang inilunsad na Interruptible Load Program(ILP) ng DoE para sa mga mall at pabrika na humihimok sa mga ito na gumamit ng sariling generator bilang bahagi ng kanilang pagtitipid sa kuryente ngayong summer.
Inamin ng DoE na hindi nito mapipigilan ang nakaambang taas-singil sa kuryente dahil sa maintenance shutdown ng Malampaya natural gas.
Samantala, nakaranas ng malawakang brownout ang ilang lugar sa Cebu, Bohol, Samar at Leyte simula 1:45 ng umaga nitong Huwebes dahil sa umano’y aberya sa mga power plant sa Samar.
Nagkaroon ng power shortage sa Cebu at agad naibalik ang kuryente sa ilang bayan matapos kumuha ng karagdagang supply sa ibang planta.
Sinisikap ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ibalik ang kuryente sa Bohol, Samar at Leyte.