ZAMBOANGA CITY – Nasa 57 miyembro ng Abu Sayyaf Group na nakapiit ngayon sa Zamboanga City Reformatory Center (ZCRC) sa lungsod na ito ang ililipat sa San Ramon Prisons and Penal Colony, upang mapigilan ang kanilang mga kasamahan na magtatangkang itakas sila sa pagkakakulong sa lokal na piitan kaugnay ng mga magkakahiwalay na kasong kinakaharap nila sa mga korte sa siyudad na ito.

Lumagda ngayong linggo ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Correction (BuCor), pulisya, militar at pamahalaang lungsod sa isang memorandum of agreement para sa paglilipat sa 57 miyembro ng Abu Sayyaf mula sa ZCRC patungo sa San Ramon Prisons and Penal Colony para sa usaping seguridad.

Sinabi ni ZCRC Warden Chief Insp. Julius Arro na dumating sa lungsod si BuCor Director Franklin para sa paglagda sa nasabing kasunduan bilang official procedure bago ipagamit ng ahensiya ang pasilidad nito sa pagpipiit sa 57 miyembro ng Abu Sayyaf sa San Ramon Penal Colony.

Gayunman, nilinaw ni Arro na ang 57 bilanggo ay mananatiling responsibilidad ng BJMP dahil hindi pa naman nahahatulan ang mga ito.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Alinsunod sa kasunduang nilagdaan nitong Martes, ang BJMP pa rin ang magbabantay sa mga bilanggo habang ang mga pulisya at militar naman ang augmentation forces para tiyaking hindi makakatakas ang mga preso.

Matatandaang nitong Enero 19 ay nagawa ng Abu Sayyaf na magpuslit sa ZCRC ng tatlong .45 caliber pistol na kargado ng 140 bala na itinago sa isang kalan na de-uling ng babae na nagpanggap na dadalawa sa mga kaanak niyang sina Jamil Ajijul at Termiji Ahmad, kapwa leader ng Abu Sayyaf na kumikilos sa Basilan.