Nagpahayag nang pagdududa si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa mga executive session na isinagawa ng Senate Committee on Public Order sa kanilang imbestigasyon sa Mamasapano tragedy.

Naniniwala si Pabillo, chairman ng Catholic Bishop Conference of the Philippines Permanent Council on Public Affairs, na kung walang itinatago ang Senate Committee on Public Order, ay dapat isinasapubliko ang lahat ng pagtatanong at pag-iimbestiga sa pagkamatay ng 44-miyembro ng Philippine National Police –Special Action Force (PNP-SAF) at mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at mga sibilyan.

Iginiit ni Pabillo na dapat alisin ang mga executive session dahil hindi aniya mapagkakatiwalaan ang Kongreso sa pagsasagawa ng mga hearing.

“Dapat ang katotohanan ang lumabas. Hindi trusted ang Congress, nagtatanong sila ng mga hindi dapat na itanong, yung nagtatanong ng buo na parang may pinoprotektahan, dapat walang executive session, isapubliko ang lahat. Hindi trusted ang investigation sa Congress lalo na andiyan ang mga executive session. Kaya panawagan natin, alisin ang executive sessions, huwag silang mag- executive session. Bakit nila ginagawa yan? may itinatagao ba sila sa publiko?” ani Pabillo, sa panayam ng Radio Veritas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Binigyang-diin ng Obispo na lalabas lamang ang katotohanan kung isang independent body na walang political agenda ang magsasagawa ng imbestigasyon sa Mamasapano tragedy.

Inihayag rin ni Pabillo na bias at may pinu-protektahan ang Kongreso dahil hindi sa taumbayan ang kanilang loyalty kundi sa isang tao lamang, na ang tinutukoy ay si Pangulong Aquino.

“Ang tao dapat ang loyalty natin, nasa truth ang loyalty natin, sa bayan at hindi sa iisang tao lamang o sa iisang programa na baka masira ang BBL, baka tamaan si ang Presidente natin. Dapat ang katotohanan ang hinahanap natin,” aniya pa.

Nauna rito, nanawagan ang CBCP na ilabas ang katotohanan at bigyan ng katarungan ang fallen 44.