Alam nating lahat na mainam ang pag-eehersisyo sa pisikal nating kalusugan . Hindi naman lihim na karunungan iyon. Pero paano naman ang kalusugan ng isipan? Makatutulong ba ang pag-eehersisyo na mawala ang ating problemang emosyonal, ng ating mga problemang ginagamitan ng matinding pag-iisip pati na ang ating mga adiksiyon? Ang sagot sa lahat ng ito ay isang malakas na “Oo!”
Ang pag-eehersisyo ay isa sa pinakamaiinam na maaari mong gawin para sa iyong sarili, hindi lamang para sa iyong pisikal na pangangatawan kundi pati na rin sa iyong isipan. Narito ang ilang dahilan kung bakit dapat kang mag-exercise para na rin sa kalusugan ng iyong isipan.
- Nagpapababa ng stress. - Kung pagod na ang utak mo sa buong araw na pagtatrabaho, huwag agad mahiga sa sopa pagdating mo sa bahay. Lumabas ka muna at maglakad-lakad. Kung ayaw mo namang lumabas ng bahay, maaari kang mag-jump rope sa iyong silid ng kung ilang minuto. Ayon sa mga eksperto, isa sa pinakamaiinam na epekto ng pag-eehersisyo ay stress relief. Kapag pinapawisan ka na sa pag-eehersisyo, makatutulong iyon sa iyong pagtugon sa mental at physical stress. Kaya kung natotorete ka na sa kaiisip, birahan mo ng excercise.
- Nagre-release ng masisiglang kemikal sa iyong katawan. - Hindi madali ang mag-exercise, ngunit kapag nagawa mo iyon, bibigyan ka ng reward ng iyong katawan. Ayon sa mga eksperto, ang pag-eehersisyo ay nagre-release ng endorphins na responsable sa pakiramdam ng euphoria at kasiyahan. Napatunayan sa mga pag-aaral na may matinding epekto ang exercise sa pagpapagaan kung hindi man pagpapalusaw ng depression. Maraming doktor ang nagrerekomenda sa mga pinahihirapan ng depression na simulang mag-exercise.
Epektibong anti-depressant ang pag-eehersisyo. Pero huwag kang mag-alala. Hindi mo naman kailangang maging gym oras-oras, araw-araw. Ayon sa mga eksperto, maglalaan ka lang ng 30 minuto ilang araw lang sa loob ng isang linggo ay maaari mo nang makamtan ang epekto ng excercise sa iyong depression.
Sundan bukas.