Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng kasong graft laban sa isang provincial agrarian reform adjudicator dahil sa umano’y pagpapalabas ng direktiba na naging sanhi ng pagkawala ng lupa ng maraming magsasaka sa Governor Camins, Zamboanga City.

Sa 10-pahinang resolusyon, kinilala ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang kinasuhan na si Jesric Enriquez, ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB)- Region IX, Zamboanga City.

Lumitaw sa record na Disyembre 2004 nang naglabas ng utos ang DARAB Central Office sa nagbibigay ng lupain sa mga magsasaka at inatasan ang Archdiocese of Zamboanga, bilang may-ari ng lupa, na panatilihin ang mga ito bilang lessee.

Subalit noong Agosto 2009, naglabas ng direktiba si Enriquez na nakasaad na dinesisyunan ng DAR Central Office na ang kautusan noong 2004 ay wala nang bisa dahil sa bagong order ng kalihim ng DAR noong Disyembre 2006 na nagtutukoy sa lupain bilang “non-agricultural” kaya hindi ito saklaw ng agrarian reform.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa mga panahong iyon, may umiiral na compromise agreement ang Archdiocese of Zamboanga City at mga magsasaka at ang bawat isa sa mga ito ay makatatanggap ng 1,000-metriko kuwadradong lupain.

Hindi na umusad ang negosasyon bunsod ng kautusan ni Enriquez.

“The acts of Enriquez gave the Archdiocese unwarranted preference or advantage to the prejudice of the tenant-tillers,” pahayag ni Morales.

Sa pagdedeklara na may probable cause sa paghahain ng graft case laban kay Enriquez, iginiit din ng Ombudsman “the DAR decision of December 20,2004 has already attained its finality, hence, an excutory and final decision cannot be lawfully altered or modified even by the court.”