INILUNSAD kamakailan ang bagong travel show ng ABS-CBN Sports and Action na mapapanood tuwing Sabado, 6:30 AM hanggang 7:00 AM na may titulong Kool Trip, Backpackers Edition.
Idinagdag si Jayson Gainza sa programa kasama ang original hosts na sina Negros Occidental 3rd District Representative Alfredo ‘Albee’ Benitez at Ms. Marjorie Cornillez.
Tuwang-tuwa si Jayson dahil may bago na naman daw siyang show at kaya raw siya palaging binibigyan ng biyaya dahil mabait siya at hindi namimili ng gagawin.
“Sinusuwerte lang po siguro kaya may mga trabaho. Sobrang thankful ako na kahit sa hosting, hindi rin talaga ako nababakante,” sabi ng komedyante.
In fairness naman kay Jayson, simula nang madiskubre siya sa Pinoy Big Brother Edition Season 1 ay walang narinig o nabalitaang negatibo tungkol sa kanya. Kaya sa mga kasabayan niya sa sikat na reality show ay isa siya sa iilan na lamang na aktibo sa industriya.
Ang isa sa naiisip ni Jayson kaya siya kinuhang co-host sa Kool Trip Backpackers Edition ay dahil napanood siya dati sa travel show din na Trip na Trip kasama ang kapwa niya PBB graduates na sina Franzen Fajardo, Uma Khouny at si Katherine de Castro.
“Do’n po talaga nadagdagan ang confidence ko sa paghu-host. Wala naman talaga akong alam dati, pero unti-unti kong natutunan ang craft hanggang naging komportable na rin ako sa ginagawa ko,” pahayag ng TV host/comedian.
Higit sa lahat, professional si Jayson. Maaga siyang dumarating sa set at hindi niya type ang lumalagare lalo na kung magkakalayo dahil ayaw niyang mahirapan at mag-suffer ang trabaho niya.
“Sapat na pong makakain ang pamilya ko, may panggastos at konting ipon, ayoko naman ng masyadong mayaman,” biro ni Jayson nang makatsikahan namin ni Bossing DMB.
Sa launching ng Kool Trip, Backpackers Edition ay ipinakita ang mapapanood na iba’t ibang lugar sa Pilipinas na maaaring puntahan sa murang halaga.
Para sa unang season, dinalaw nila ang Albay sa Bicol, Caliraya at Cavinti sa Laguna, Fort Ilocandia sa Ilocos Norte, Pagudpod sa Ilocos Sur, Baler, Quezon at Sagada.
Mapapanood sa Pebrero 28 ang magandang lugar ng Coron Palawan na ang magdidirek ay si Albert Martinez. Sunod nilang pupuntahan ang Oriental Mindoro, Cagayan Valley, Mindanao at Visayas region.
Nabanggit ni Cong. Albee na kung papipiliin siya ay mas gusto na lang niyang maging host ng Kool Trip kapag wala na siya sa pulitika, pero aniya, “Tatapusin ko po ang term ko bilang congressman, bale last term ko na po kapag tumakbo ako sa 2016.”
Hmmm, bongga kasi exposure ang Kool Trip, Backpackers Edition kay Rep. Albee para sa kandidatura niya sa darating na taon at tamang-tama dahil two seasons ang programa kaya matatapos pa niya ito bago siya magbakasyon simula sa Nobyembre 2015.
Ang Kool Trip, Backpackers Edition ay producerd ng AMT Recreation Hauz and Multimedia Services Co. na pag-aari mismo ni Cong. Albee Benitez.