Hindi na magugulat si dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president at retired Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz kung dumami pa ang mga obispo na susuporta sa panawagang magbitiw na sa puwesto si Pangulong Benigno S. Aquino III.

Tinukoy niya rito ang tumitinding unpopularity ng Punong Ehekutibo na bunsod ng pagkakapatay sa 44 na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao nitong Enero 25.

“Naniniwala akong mas marami pang obispo ang sasama sa panawagan na mag-resign na siya. Wala akong duda rito dahil malinaw namang mas marami na ang dismayado kay Aquino,” sabi ni Cruz.

Gayunman, tumanggi ang arsobispo na tukuyin ang posibleng aktuwal na bilang ng mga kapwa niya obispo na susuporta sa resignation call ng National Transformation Council (NTC).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una nang lumagda ang pitong obispong Katoliko sa pahayag ng NTC na naggigiit na magbitiw na sa tungkulin si Aquino.

Kabilang sa lumagda sa pahayag ng NTC sina Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal, Davao Archbishop Emeritus Fernando Capalla, Zamboanga Archbishop Romulo de la Cruz, Lipa Archbishop Ramon Arguelles, Naval Bishop Filomeno Bactol, Cebu Archbishop Jose Palma, at Fr. Carlito Clase para kay Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos. Kinatawan naman ng mga Christian community sina Bishop Butch Belgica (Christian Bishops of the Philippines) at Pastor Arthur Corpus (United Church of Manila).