Inaresto kahapon ng pulisya ang dalawang dating alkalde ng Masbate sa pagsalakay sa dalawang hinihinalang shabu laboratory sa lalawigan.

Ayon kay Supt. Roque Merdegia, tagapagsalita ng Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF), ang pagkakasangkot ng dalawang dating alkalde ay una nang natukoy sa mga intelligence report na nagsasabing pag-aari nila ang shabu laboratory sa bayan ng Milagros at sa Masbate City.

Kinilala ang mga nadakip na sina Lester Abapo, dating mayor ng Milagros at kasalukuyang chairman ng Barangay Magallanes sa Masbate City; at Cherry Boy Abapo, dating alkalde ng San Fernando.

“Base sa impormasyon na natanggap namin, nakipagtulungan sila sa isang maliit na grupo ng mga Chinese upang magtayo ng isang shabu laboratory,” sabi ni Merdegia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ayon sa aming intelligence report, pumayag sila (dalawang dating alkalde) na mag-set up ng shabu laboratories sa kanilang mga lupain,” dagdag niya.

Aniya, akma sa paggawa ng ilegal na droga ang lokasyon ng dalawang shabu laboratory; ang isa ay nasa isang malaking compound malapit sa baybayin at may mataas na bakod, habang ang isa pa ay sa isang resort sa Masbate City na mayroon ding mataas na bakod.

Nagkataon namang ang pangalan ng resort ay Secret Garden Resort na nasa Barangay Nursery.

Ang mga Chinese naman na kasabwat ng mga suspek ay isang maliit na grupo at isa sa mga miyembro nito ay kinilalang si Ponga Lee, alyas Co.

Napaulat na kinuha ni Co ang serbisyo ng dalawang dating alkalde at iba pang lokal na opisyal na kinilalang sina Bing, Kalbo, Manoy Boy at Sarge.

Kabilang si alyas Kalbo sa mga dinakip at nakakumpiska rin ang awtoridad ng iba’t ibang armas sa nasabing mga lugar.