Hinimok kahapon ni Atty. Harry Roque ang pamilya ng 44 na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na nasawi sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, na magsampa ng kaso laban sa mga leader ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at siya ang magsisilbing abogado ng mga ito.
Ito ang inihayag ni Atty. Roque sa isang pulong sa Quezon City nang igiit niya na maaaring kasuhan sa International Court of Justice ang mga leader ng nasabing mga grupong Islam na maituturing na may pananagutan sa bakbakan sa Mamasapano.
Ayon kay Roque, dapat ipatupad ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang kamay na bakal laban sa MILF, BIFF at maging sa Moro National Liberation Front (MNLF) dahil sa paglabag sa International Humanitarian Law, matapos na kumalat online ang sinapit ni PO2 Joseph Sagonoy, ng Samar.
Nakita sa video ang karumal-dumal na pagpatay kay Sagonoy, na buhay pa dahil sa tama ng bala sa paa subalit pinagbabaril pa ng kalaban sa ulo at katawan hanggang sa tuluyang binawian ng buhay noon din.
Sinabi ni Atty. Roque na handa siyang tumulong nang libre ang kanyang serbisyo sa pamilya ng tinaguriang “SAF 44” para mabigyan ng katarungan ang kalunus-lunos na sinapit ng mga ito.