NAKASENYAS ng puso si Mark Johnson Bonzo ng Team LBC nang pagwagian ang Stage 3 ng Ronda Pilipinas 2015 na nagsimula sa Negros Occidental patungong Cadiz at nagtapos sa Bacolod City.                                                                                             Michael Varcas

BACOLOD CITY– Hindi pinansin ni Mark Julius Bonzo ang kinatatakutang “Friday The 13th” matapos kubrahin ang panalo sa huling yugto ng 123. 2 kilometrong Stage 3 ng Ronda Pilipinas 2015 na iprinisinta ng LBC na nagsimula at nagtapos sa Bacolod City Capitol.

Nilampasan ng 25-anyos na tubong Sual, Pangasinan na si Bonzo, anak ng dating 1986 Tour champion na si Romeo Bonzo, ang apat kataong lead group na panamumunuan ni overall leader Boots Ryan Cayubit sa matinding bakbakan tungo sa finish line at hablutin ang kanyang ikalawang stage victory.

“Nakakita po ako ng butas sa last 50m kaya itinodo ko na,” sinabi ng miyembro ng PH road race team na si Bonzo na binigyang karangalan ang miyembro ang presentor at kinaanibang LBC–MVP Sports Foundation sa naitalang 3 oras at 17 segundo.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Pumangalawa sa yugto sa kapareho ring oras sina Dominic Perez, pumangatlo ang junior rider na si Kenneth Solis, ikaapat si Lord Anthony del Rosario at ikalima ang may suot ng red jersey na si Cayubit.

Wala naman pagsidlan sa tuwa sa pagtawid sa finish line si Cayubit sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi kasama ang Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX habang ang TV5 at Sports Radio ang media partners.

“Masayang-masaya po ako dahil naranasan ko din po na maging overall leader sa apat na taon sa karera, tapos ako pa rin po ang tanghaling overall champion. Napakahalaga po nito kahit na qualifying stage lamang,” pahayag ng 23-anyos na mula sa Tacloban, Leyte ngunit laking Camarin, Caloocan na si Cayubit.

“Nagtangka ako na kunin pa sana ang lap victory sa last 200m dahil nagkakabalyahan na sa loob pero inabot ako sa last 50m. Nagpapasalamat ako at iniaalay ko ang panalo sa inspirasyon ko na si TL,” sabi ni Cayubit.

Bahagya namang nabahiran ng disgrasya ang huling yugto matapos na sumemplang ang limang katao na kinabibilangan ng isa sa dalawang babaeng kalahok na si Avegail Rombaon sa huling 2 kilometro sa pakikibakbakan patungo sa finish line sa harap ng Negros Occidental Provincial Capitol.

Nagtamo ng malaking sugat sa kaliwang tuhod at siko si Rombaon na kasamang sumemplang sina Jose Renato Fuentes Jr., Randy Olog, Aaron Paul Quintia at Elmer Navarro. Ang isa pang babaeng kasali ay si Marella Vania Salamat na una nang hindi nakatapos sa Stage 2.

Itinala ni Cayubit ang kabuuang 12 oras, 37 minuto at .01 segundo upang iuwi ang kabuuang P50,000 premyo bilang individual general classification champion, maliban pa sa makukuha nito sa pagtuntong sa Top 10 kada lap, sa King of the Mountain at sa Sprint category.

Pumangalawa sa overall si Marcelo Felipe (12:40:07) habang ikatlo si Rey Nelson Martin (12:42:35).

Nagwagi naman sa Juniors Stage classification si Daniel Ven Carino (3:07:17) kasunod si Edalson Ellorem at Gilbert Enerciso. Dahil sa panalo ay kinubra ni Carino ang Juniors general classification title sa kabuuang oras na 10:27:47 habang ikalawa si Enarciso (10:27:47) at Edalson Ellorem (10:39:00).

Tinanghal na Stage Best Young Rider si Under 23 Kenneth Solis habang ikalawa’t-ikatlo sina Alvin Mandi at Leo Jade Lopez. Nagwagi naman sa Overall Best Young Rider si Solis (12:59:03) habang ikalawa si Arjay Peralta (13:02:09) at ikatlo si Edwin Nacario (13:11:47).

Namayani sa Stage Intermediate Sprint si Junrey Navarra (8 puntos) habang ikalawa si Dominic Perez (5) at ikatlo si Ronnie Urdaneta (3). Muling nagkampeon sa Overall Intermediate Sprint si Cayubit (96 puntos), ikalawa si Irish Valenzuela (75) at ikatlo si Marcelo Felipe (71).

Kinilala naman si Felipe bilang King of the Mountain sa tinipon nitong 30 puntos habang ikalawa ang 2014 Ronda Pilipinas champion na si Reimon Lapaza at ikatlo si Junrey Navarra na may 9 puntos.

Mula naman sa kabuuang 63 kasali ay natira na lamang ang kabuuang 41 riders, hindi pa kabilang ang tatlong kasali sa juniors at ang dalawang babaeng siklista na nagsasanay para sa kanilang paglahok sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.