Kathryn Bernardo and Daniel Padilla

BAGAY sa mga bida ang titulo ng pelikulang Crazy Beautiful You nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo dahil pareho silang ‘crazy’ sa likod ng kamera.

 Ito ang naging takbo ng usapan sa Q and A portion ng presscon ng buong cast ng pelikula noong Huwebes ng tanghali sa Dolphy Theater na pinangunahan nina Gabby Concepcion, Lorna Tolentino at Iñigo Pascual bukod sa KathNiel. Hindi rin nakaligtas ang direktor ng pelikulang si Mae Cruz-Alviar kung ano ang craziest thing na nagawa niya sa ngalan ng pag-ibig.

 Nabanggit ni Gabby na nakikinita niya sina Daniel at Kathryn noong kainitan ng love team nila ni Sharon Cuneta. Gustung-gusto ni Gabby ang KathNiel love team dahil natural at walang inhibitions.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Ituloy lang nila ’yung natural. Sabagay, lumalabas naman ’yan on screen, kung ano ’yung nangyayari sa kanila, nakikita ko naman. Maski ako, kinikilig ako, eh. Fan nila ako.”

Nang tanungin si Daniel kung ano naman ang kinababaliwan niya ay para siyang uod na tumitiklop.

“Nakakahiyang sumagot, maraming tao. Nahihiya rin naman ako,” pa-cute na sabi ng batang aktor.

Sa tagal na ng tambalan nila ni Kathryn, isyu pa ba ang hiya sa kanila?

“Oo naman, hindi naman nawawala ’yun. At saka talagang mahiyain ako.”

Tanong uli, nababaliw ba si Daniel kay Kathryn?

“Tinagalog mo lang. Oo na, sige na, opo!”  

Nagkuwento si Daniel kung ano ang mga pinag-uusapan nila ni Kathryn sa isang linggong pagkakatengga nila sa shooting ng Crazy Beautiful You sa Nueva Ecija.

“Habang nakasakay po kami, napapaligiran ng bundok, na’tanong po ni Kathryn, ‘Ano kaya, isipin mo, kasing laki natin ang mga bundok?’ bagay na ikinatawa ng entertainment press dahil napatunayan na kung anu-ano lang naman pala ang pinag-uusapan ng dalawa na pawang kababawan lang.

Sabay dugtong din ni Kath na, “Nasabi pa po ni DJ na ano kaya sumayaw ang mga bundok sa harap natin.”

Natanong din ang dalawa kung ano ang regalo nila sa isa’t isa ngayong Valentine’s Day. Magkukuwento na sana si DJ pero sinaway siya ni Kath, kaya nasabihan ng ‘ander (de saya)’ ang young actor.

“Siyempre,” sagot ni DJ sabay tanong ng, ‘Ano ba ’yung ander? Hindi ako ander, okay? Ano lang talaga… alam ni Tito Gabby, naiintindihan ako ni Tito Gabby,” sabi ng binatilyo.

Kaya’t itinuloy ng young actor ang kuwento, para patunayan na hindi nga siya ander.

“Bigyan ko naman daw siya ng regalo. Dati kasi, lagi ko siyang binibigyan. Ngayon, hindi ko na siya nabibigyan. Trabaho, ganyan. Binibigyan ko naman siya ng pagkain,” tumatawang sabi ni DJ.

At ang mga hilig naman ni Daniel, ayon kay Kathryn, na ipinaririnig nitong gusto habang kausap ang mga kaibigan ay, “Mahilig siya sa shades, mahilig siya sa mga instrument, kung synthesizer or bass.”

Tumatawang katwiran ng aktor, “Hindi, kasi si Kathryn ’pag kausap ko ’yung mga barkada ko, naririnig niya. Hindi naman ako nagpaparinig. Nalalaman niya lang.”

At ang gusto naman daw ni Kath ay, “Wala po akong sinasabi na gusto ko. Basta kung may mabigay sa ’yo ’yung guy or parang ibigay niya ’yung oras niya sa ’yo or anything na anuman, ’yun naman ang importante sa akin.”

 Anyway, ang kinababaliwang pelikulang Crazy Beautiful You ay mapapanood na sa Pebrero 25 mula sa direksyon ni Mae Cruz-Alviar handog ng Star Cinema.