Sa pamamagitan ng Philippine Rural Development Project (PRDP), inihayag ng Department of Agriculture na aabot sa 400 seaweed (lato) grower sa Guimaras ang makikinabang sa P18.5 milyong pondo na ilalaan ng gobyerno para sa pagpapalawak ng produksiyon ng naturang produkto.
Tinaguriang “Guimaras Seaweed Production and Marketing Project,” target ng P18.5 milyong inisyatibo ay upang iangat ang kalidad ng buhay ng 1,259 mangingisda mula sa lalawigan, partikular sa mga bayan ng Sibunag, Nueva Valencia, San Lorenzo at Jordan.
Ayon kay May Ann Grajo, component head ng PRDP-RPCO-VI I-REAP, gagamitin ang ayuda sa production, post harvest at marketing package kung saan babalikatin ng World Bank ang malaking bahagi ng pondo.
Inaasahang magbibigay daan ang proyekto sa karagdagang trabaho, kabilang ang mga kababaihan at out-of-school youth upang mapalakas ang produksiyon at maiangat ang kalidad ng produktong lato sa Guimaras.
Habang nakahanda ang World Bank na sagutin ang P8,886,232.80, maglalaan naman ang national government at lokal na pamahalaan ng Guimaras ng tig-P2,962,077.60 para sa proyekto.
Samantala, magmumula naman ang P3,702,597 sa kaban ng Sabang Seaweed Growers Association, ang lumikha ng proyekto.
Ang PRDP ay isang six-year rural development project na ang pangunahing layunin ay itaas ang kita ng mga magsasaka at makatulong sa pag-usad ng ekonomiya
ng bansa sa pamamagitan ng mga proyektong agrikultura.