Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi naging patas o naging one-sided ang pagdinig ng Senado sa Mamasapano tragedy.
Ito, ayon kay CBCP-Permanent Committee on Public Affairs executive secretary Father Jerome Secillano, dahil sa hindi pagsipot ng matataas na opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order.
Sinabi rin ni Secillano na ang hindi pagdalo ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal at iba pang pinuno ng grupo ay isang implikasyon ng pagmamaliit sa maaaring maging epekto ng Mamasapano encounter lalo na sa usapin ng Bangsamoro Basic Law.
“In Iqbal’s absence, it’s going to be a one-sided account of the incident. It also implies that the MILF is downplaying the effects of the incident in the ongoing debate on the BBL,” ani Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng pari na tanging ang mga pagkukulang ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang natalakay sa Senado gayung mahalaga rin na malaman ang naging papel ng MILF sa naganap na engkwentro lalo’t may umuusad na usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan.
Iginiit rin ni Secillano na ang pagkakapatay sa 44-miyembro ng PNP-SAF ay hindi maaring isisi lamang sa kapalpakan ng mga opisyal ng pamahalaan kundi higit sa mga rebeldeng Moro na kumanlong sa isang wanted na terorista.