Ang Pebrero ay Civil Registration Month upang ipaalala sa mga Pilipino na iparehisto ang kanilang mahahalagang impormasyon tulad ng araw ng kapanganakan, kasal at kamatayan, pati na rin ang decrees, legal instruments, at judicial orders na nakaaapekto sa kanilang civil status. Ang tumpak na civil registration ay nakatutulong sa pagpapakilos ng maginhawang pagpoproseso at pagkuha ng mga pangunahing serbisyo at transaksiyon sa mga ahensiya ng gobyerno at mga pribadong institusyon.
Ang selebrasyon, sa pangunguna ng Philippine Statistics Authority (ang dating National Statistics Office), ay tumatalima sa Proclamation 682 na inisyu noong Enero 28, 1991. Ang sistema ng civil registration sa bansa ay itinatag noong Pebrero 27, 1931 sa bisa ng Act No. 3753, ang Civil Registry Law na nag-aatas ng tuluy-tuloy at sapilitang pagtatala ng kapanganakan, kasal, at iba pa na may kaugayan sa status ng mga Pilipino. Ang pagdaraos ng mass weddings ay isa sa pinakamahalagang aktibidad sa buwang ito. May libreng mobile services upang ihatid ang civil registration sa taumbayan at ibahagi sa kanila ang kahalagahan ng pagrerehistro ng mahahalagang impormasyon.
Isang kapuri-puring proyekto ay ang pag-ayuda sa mga survivor ng super-typhoon Yllanda sa pagre-recover at muling pagbuo ng kanilang mahahalagang dokumento. Ito ay ipinatupad noong Hunyo 2014 ng Free Mobile Civil Registration Project ng Department of Social Welfare and Development, sa pakikipagtulungan ng PSA, local civil registrars, ng United Nations High Commissioner for Refugees, at ng Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services, na isang organisasyon ng mga abogado. Ang patuloy na proyekto ay pinakikinabangan ng 100,000 survivor mula Leyte at Samar.
Ang mga pagkakamali sa civil registration ay maaaring remedyuhan sa pamamagitan ng legal na paraan - Republic Act (RA) 9048, ang Clerical Error Act; RA 9255, ang Affidavit to Use the Surname of the Father; RA 10172, ang Correction of Typographical Errors in the Day and Month in the Date of Birth or Sex of a Person Appearing in the Civil Register Without Need of Judicial Order; ang RA 9858, na isang Act Providing for Legitimation of Children Born to Parents Under the Marrying Age.
Ang tema para sa 2015 ay “Sama Ka sa CRVS Groupie” na kaugnay ng pandaigdigang kampanya na irehistro ang lahat ng mamamayan pagsapit ng 2024, kabilang ang 7.5 milyong Pilipino na hindi pa legally registered, pati na rin ang 135 milyong hindi pa narerehistrong bata sa Asia-Pacific. Ang ibig sabin ng CRVS ay Civil Registration and Vital Statistics na, sa mas malaking konteksto, ay hindi tungkol sa certificate ng kapanganakan, kasal, o kamatayan kundi tungkol sa legal na pagkakakilanlan ng isang tao, ang civil status nito, at ang karapatang makilala bilang mamamayan ng isang estado.
Ang unang UN-sponsored Ministerial Conference on Civil Registration and Vital Statistics ay idinaos sa Bangkok noong Nobyembre 24-28, 2014, na dinaluhan ng mga kinatawan ang mga gobyerno, kabilang ang Pilipinas, upang isulong ang high-level commitment para sa CRVS system improvement. Iprinoklama sa komperensiya ang 2015-2024 bilang “Asia-Pacific CRVS Decade.”