BUGUIAS, Benguet – Hindi ikinababahala ng mga magsasaka ang frost bite o andap kapag bumababa ang temperatura sa probinsiya at sa halip ay nangangamba sila sa unti-unting pagdami ng apektado ng club root disease na sumisira sa ilang gulay at hanggang ngayon ay wala pang nadidiskubreng pangpuksa rito.
Ang club root ay impeksiyon sa ugat ng isang tanim na unti-unting nabubulok hanggang sa maging retarded ang paglaki ng tanim.
Sa panayam kay Officer in Charge Delfin Rufino, ng Municipal Agriculturist Office, taong 1980 nang madiskubre ang fungus na ito at naging talamak noong 1990s pero hanggang ngayon ay hindi pa batid kung paano ito mapupuksa.
Aniya, binibiktima ng fungus ang mga repolyo, broccoli, cauliflower, Brussels sprouts, labanos, singkamas, stocks, wallflowers at iba pa.