Mayroong malaking oportunidad na naghihintay para sa mga Pinoy medical worker matapos ihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na nagbibigay na ng special visa para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na kuwalipikadong magtrabaho sa mga ospital doon.

Sa ilalim ng special visa, mabibigyan ang mga interesadong Pinoy na manatili sa Oman ng hindi hihigit sa tatlong buwan upang makakuha ng pro-metric test at sumailalim sa kaukulang job interview.

Ang pro-metric ay isang pagsusulit na mandatory requirement ng Oman Ministry of Health at Immigration and Labor Office para sa mga migrante na nais magtrabaho sa healthcare sector sa bansa.

Ayon kay Labor Attaché for Oman Nasser Mustafa, kailangang may hindi bababa sa dalawang taong experience at hindi hihigit sa 45-anyos ang edad ng aplikante upang mabigyan ng special visa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kailangan din aniyang makakuha ang aplikante ng employment contract na balido ng tatlong buwan upang makatanggap ng sahod o allowance sa Oman.

“They will be issued with Contract Visa which is valid for two months and will enable them to take the written and oral examination. In case they fail, their visa can be extended for a month,” pahayag ni Mustafa.

Kapag naipasa ang lahat ng requirements, makapagtatrabaho na ang Pinoy health worker sa mga ospital sa Oman at makatatanggap din ang mga ito ng libreng accommodation, transportasyon at return ticket sa pagbabalik sa Pilipinas.

Una nang inihayag ng DoLE na tumatanggap na rin ang United Kingdom ng karagdagang 220 Filipino nurse dahil sa lumolobong pangangailangan ng European country para sa mga healthcare worker.