Nahaharap ngayon sa pinakamalaking krisis pulitikal sa kanyang pagkapangulo matapos ang palpak na operasyon ng pulisya sa Maguindanao, hiniling ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang katatagan at paggabay sa kanyang tungkulin sa mga Pilipino.

Ito ang naging panalangin ng Pangulo sa simpleng pagdiriwang niya ng ika-55 kaarawan kahapon. Hindi nagpakita sa publiko ang Presidente at piniling ipagdiwang nang pribado ang kanyang espesyal na araw kapiling ang kanyang pamilya.

“Siyempre ang nais ng Pangulo sa kanyang pananalangin ay magkaroon siya ng ibayong lakas at patnubay at grasya na magampanan ang kanyang mga tungkulin dahil po sa mahalagang ginagawa niyang paglilingkod sa ating mga mamamayan,” sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. nang kapanayamin sa radyo.

Hiniling din ni Coloma sa publiko na ipanalangin ang Pangulo sa kaarawan nito upang maisakatuparan ng presidente ang mga hinahangad nito para sa bansa, partikular ang pagpapasigla sa ekonomiya na unti-unti nang nararamdaman ng lahat ng Pilipino.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Taimtim na panalangin at gabay ng Panginoon ang ating hangad para sa Pangulo sa kanyang patuloy na pagpapatupad at pagtataguyod ng mga proyekto at programa para matamo ang adhikaing inclusive growth sa loob ng kanyang panunungkulan,” ani Coloma.

Nag-post din kahapon sa Instagram ang bunsong kapatid ng Pangulo na si Kris Aquino ng litrato ni PNoy habang hinihipan ang kandila sa birthday cake na hawak ng anak ng TV host-actress na si Bimby Yap sa gitna ng pagtitipon ng pamilya.

“Simple birthday lunch. #family,” saad ng TV host sa kanyang Instagram page.