Humanay ang Adamson University (AdU) at National University (NU) sa University of Santo Tomas (UST) sa ikatlong puwesto matapos magwagi sa kanilang mga nakatunggali sa UAAP Season 77 women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.  

Nakalusot ang Lady Falcons sa matinding hamon ng University of the Philippines (UP) kung saan ay naitala nila ang isang five sets win, 25-21, 25-13, 20-25, 22-25, 15-12 habang naputol naman ng Lady Bulldogs ang kinasadlakang three-game losing streak sa pamamagitan ng 25-15, 25-19, 25-15 pananaig sa University of the East (UE).      

Dahil sa panalo, nakapantay nila sa ngayon ang Tigresses na may barahang 5-6 (panalo-talo) at napalakas din nila ang tsansang makasingit sa huling dalawang semifinals berths. 

“Matibay talaga ang UP. Mabuti na lang sa bandang huli, hindi sila bumigay. Mabuti ang breaks, napunta sa amin,” ani Adamson coach Sherwin Meneses matapos makabawi sa kanilang pagkatalo sa first round sa Lady Maroons.   

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Sa kalalakihan, nakamit nang nakaraang season’s runner-up na Ateneo ang unang Final Four berth sa pamamagitan ng 25-22, 25-20, 25-18 panalo laban sa UP sa pamumuno ni reigning MVP Marck Espejo na humataw ng 21 hits.     

Sa isa pang laban, tinalo ng UST Tigers ang UE Warriors, 25-15, 25-20, 25-22, para makasiguro ng playoff para sa isang semifinals berth.      

Ang pagkabigo ang ikatlong sunod ng UP sa second round na nagbaba sa kanila sa barahang 4-7 kasalo ang Far Eastern University (FEU) sa ikaanim na puwesto.      

Samantala, nakahinga naman ng maluwag si NU coach Roger Gorayeb matapos matapyas ang kanilang losing skid.

“Malakas naman talaga ang kalaban. Iyong sa UST, unexpected dahil ‘yung inilaro namin, ang super baba,” ani Gorayeb.   

“Sa game against Ateneo (sa start ng second round), tapos na ang pagiging observer ko sa kanila. Kailangang i-push ko na ‘yung gusto kong mangyari. Kung ano ang gusto ko, ‘yun ang iimplementahan ko,” dagdag pa nito. 

“I hope we can end at 8-6 para maganda ang puwesto. I hope we can start winning games, nakaka-adjust na sila,” pagtatapos pa nito.