Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ni retired Philippine National Police (PNP) General Avelino Razon Jr. na makapagpiyansa sa kinakaharap na kasong malversation kaugnay ng umano’y “ghost repair” ng mga sasakyan ng pulisya na aabot sa P385.5 milyon.

Sa pagbasura ng anti-graft court sa mosyon ni Razon at ng 14 na iba pang akusado, ginamit na dahilan ng anti-graft court ang natuklasan nilang malakas na “evidence of guilt” sa nasabing kaso.

“After painstakingly going over the evidence presented by the prosecution, the Court is convinced that it was able to establish strong evidence of guilt on the part of the accused,” ang bahagi ng resolusyon ng hukuman.

Si Razon ay inakusahan ng pakikipagsabwatan sa pagkakaloob ng proyekto sa isang pribadong kontratista para sa maintenance ng 28 V-150 light armored vehicle.

National

Lindol sa Zamboanga del Norte, ibinaba na ng Phivolcs sa magnitude 5.4

Bukod kay Razon, ibinasura rin ang hiling na piyansa nina retired Director Geary Barias at Eliseo Dela Paz; sina Superintendent Emmanuel Ojeda, Reuel Labrado at Josefina Dumanew; Chief Insp. Annalee Forro; at non-uniformed personnel na sina Alex Barrameda, Nancy Basallo, Patricia Enaje, Maria Teresa Narcise, Tyrone Ong, Oscar Madamba, Evangeline Bais, at Pamela Pensotes.

Gayunman, pinabigyan naman ng korte ang bail petition nina Deputy Director General Reynaldo Varilla at Director Charlemagne Alejandrino at pansamantalang makalalaya ang mga ito. Si Varilla at Alejandrino ay kapwa nagpiyansa ng P200,000 dahil na rin sa pagkabigo ng prosekusyon na magharap ng malakas na ebidensya laban sa dalawa.