Upang maibsan ang kanilang dinaranas na trauma matapos ang madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, isinalang sa stress debriefing ang 42 tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) matapos malagas ang kanilang kasamahan sa puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF).

Pinangunahan ng mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team 1 (MBLT-1) ang pagsasagawa ng Psychological Processing (PSP) sa kanilang kabaro sa 55th Special Action Company (SAC) sa Police Regional Office 9 sa Zamboanga City matapos malagas ang 35 nilang kasamahan, kabilang ang anim na opisyal, sa pakikipagbakbakan sa MILF at BIFF sa Barangay Tukalinapao, Mamasapano.

“Dumaan din sa mga madugong engkuwentro ang aking unit at ito ang makatutulong sa aming mga kabaro sa PNP. Nailabas nila ang kanilang pagdadalamhati at ito ay mahalaga sa mga taong nakararanas ng matinding trauma,” pahayag ni Lt. Col. Ronaldo Juan, commander ng MBLT-1 na nakabase sa Zamboanga City.

Ang MBLT-1 ay beteranong unit na nakikipagbakbakan sa mga rebelde at bandido sa Sulu at Basilan nitong mga nakaraang dekada.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mas kilala bilang “stress debriefing,” nakatutulong ang programang PSP sa mga miyembro ng SAF na mailabas ang kanilang dinanas upang maiwasan ang post-traumatic stress disorder – pagkaburyong o pagkapraning.

“Base sa feedback ng kanilang battalion commander, nakahihinga na ng maluwag ang mga SAF trooper matapos dumaan sa PSP. Buti na lamang at handa ang aming team upang magsagawa ng stress debriefing,” dagdag ni Juan.

Dahil sila lamang ang ekspiryensado, awtorisado, at may malaking kakayahan na unit ng Marine Corps sa lugar, tumulong ang MBLT-1 sa pagsasagawa ng stress debriefing para sa mga tauhan ng 55th Special Action Company.

Iginiit ni Juan na hindi direktang nasangkot ang 42 tauhan ng SAC sa bakbakan sa Mamasapano subalit naubos ang kanilang mga kaibigan sa serbisyo sa madugong operasyon.

Aniya, sa unang bahagi ng PSP ay atubiling magsalita ang mga pulis subalit kalaunan ay nakipagpalitan na rin sila ng iba’t ibang kuwento bilang mandirigma na nagbigay daan sa pagluluwag ng kanilang dibdib.