Sa aking pakikipag-usap sa isang sports official, sinabi niya na kakulangan ng pondo ang pinakamalaking problema ng sports program ng bansa. Marahil, ang kanyang tinutukoy ay ang kakarampot na alokasyon na inilalaan ng administrasyon sa pangangailangan ng ating mga atleta.
Napapailing ang aking kausap nang kanyang paghambingin ang milyun-milyong pisong pondo ng ating sports problem at ang bilyun-bilyong salapi naman na inilaan ng mga bansa sa Asia, tulad ng Singapore, sa pagsasanay at pangangalaga sa kanilang mga manlalaro. Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit hindi man lamang tayo makasungkit ng mga medalya sa iba’t ibang kategorya na kalahok sa mga competition.
At ngayon nga na napipinto na naman ang pagdaraos ng 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5-16, dapat magising ang administrasyon sa makabuluhang pagpapahalaga nito sa ating sports program. Marapat na buhayin nito ang kailangang paghahanda sa alinmang sports competition.
Kabilang dito ang pagpapakilos sa mga sports organization sa paghahanap ng mga atleta hanggang sa mga kanayunan na malimit na pinanggagalingan ng mga potential medalist. Napatunayan na natin ito sa katauhan nina Elma Muros, Lydia De Vega at iba pa na nagmula sa mga rural areas. Hindi iilang medalyang ginto at pilak ang naiuwi nila mula sa mga regional at international sports competition. Maraming mga potential medalist sa iba’t ibang larangan ng sports ang tiyak na matutuklasan natin sa mga liblib na pook.
Kailangang tambalan ito ng gobyerno ng karapat-dapat na pagsasanay at pangangalaga sa mga manlalaro. Marapat na ipagkaloob sa kanila ang kanilang mahalagang pangangailangan, tulad ng sports facilities, sapat na pagkain at mahuhusay na coach para sa kanilang pagsasanay.
Isa itong epektibong pagsisikap upang hindi naman tayo nananatiling halos kulelat sa mga kompetisyon.