“Magkakasama tayo. At magtutulungan upang mas lumakas matapos ang mga naging pangyayari.”
Ito ang tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) kasabay ng pangakong gagawin ng gobyerno ang lahat upang masuportahan ang mga pamilya ng kanilang mga kasamahan na nasawi sa sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Samantala, nagtungo nitong Lunes si Roxas sa burol ng mga nasawing PNP-SAF sa Baguio City upang iparating sa mga naulila ng mga ito ang ayuda ng gobyerno.
Isang araw matapos iuwi ang mga labi ng 42 sa tinaguriang “Fallen 44” sa kanilang mga lalawigan ay pinarangalan at pinasalamatan ni Roxas ang mga pulis na lubos na nagsakripisyo sa pagtupad sa tungkulin.
“Nagtipon tayo sa ngalan ng isang lubos na pagpapasalamat ng bansa, bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan,” sinabi ni Roxas nang dumalo siya sa isang salu-salo kasama ang mga opisyal at tauhan ng SAF sa headquarters nito sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City kamakailan.
Ayon kay Roxas, maitutulad ang munting salu-salo sa pagsasama-sama ng mga pamilya sa pagkain upang alalahanin ang mga yumao nang mahal sa buhay.
“Tulad ng ibang pamilya, nagtipon tayo ngayon nang walang pakay, walang agenda, kundi para lang magkasama-sama,” ani Roxas.
Nilinaw din ni Roxas na mahalaga ang papel ng Board of Inquiry ng Philippine National Police (PNP) para masagot ang maraming tanong.