Upang lalong maserbisyuhan ang maraming pasahero, nagdagdag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng apat pang ferry boat para sa operasyon ng Pasig River Ferry System.

Ayon kay MMDA Director Rod Tuazon, ngayon ay umabot na sa 11 bangka mula sa dating pitong ferry boat ng Pasig River Ferry System na epektibong alternatibong transportasyon upang iiwas ang mga pasahero sa mabigat na trapik sa mga lansangan partikular sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).

Aminado si Tuazon na hindi agad tinangkilik ng publiko ang ferry system sa mga unang buwan ng operasyon nito dahil umabot lamang sa 150 hanggang 180 pasahero ang sumasakay kada araw.

Napansin ng opisyal ang pagtaas ng hanggang 350 pasahero kada araw ang tumatangkilik na ngayon sa ferry system.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Noong Disyembre 2014 laging puno at sabay-sabay ang pag-alis ng mga ferry boat na may kapasidad ng hanggang 30 pasahero ang bawat bangka, nagpapakita ng magandang pagtanggap ng publiko sa ferry system bilang alternatibong transportasyon.

Nasa P30 hanggang P50 ang pasahe sa ferry depende sa layo ng destinasyon ng isang pasahero.

Umabot na sa pitong istasyon o terminal ang ferry system na nasa San Joaquin Terminal sa Pasig City; Sta. Ana terminal, Guadalupe sa lungsod ng Makati, Pinagbuhatan Pasig City; Escolta, PUP Sta. Mesa at Plaza Mexico sa siyudad ng Maynila.

Muling binuksan ng MMDA ang operasyon ng Pasig River Ferry noong Abril, 2014 para ibsan ang traffic congestion sa mga lansangan sa Metro Manila dulot ng infrastructure projects ng gobyerno.