Dapat na maging sensitibo si Pangulong Benigno S. Aquino III sa pamilya ng mga napatay na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), ayon kay Senator Antonio Trillanes IV.
Ito ang ipinayo ni Trillanes sa kanyang kaalyado sa pulitika matapos masaksihan ang pakikidalamhati ni PNoy nitong Biyernes sa necrological service sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City sa kaanak ng mga pulis na brutal na pinatay ng mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
“Nararamdaman mo ‘yung sakit na nararamdaman nung pamilya,” pahayag ng dating Navy lieutenant.
“A friendly advice to Malacañang, konting sensitivity pa. Kelangan nararamdaman din nila ‘yung nararamdaman ng mga pamilya,” dagdag ni Trillanes.
Umani ng batikos si Aquino mula sa mga netizen nang hindi ito nagpakita sa inilatag na arrival honors para sa mga labi ng napatay na mga pulis sa Villamor Airbase nitong Huwebes at sa halip ay dumalo ang Punong Ehekutibo sa inagurasyon ng bagong planta ng Mitsubishi Motors Philippines sa Sta. Rosa, Laguna.
Ginawaran ni Pangulong Aquino ng PNP Medalya ng Kagitingan (posthumous) ang 42 tauhan ng PNP-SAF na dinala sa Camp Bagong Diwa.
Ilang kaanak ng mga napatay na pulis ang naghayag ng kanilang sama ng loob kay Aquino matapos ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay.
Tinagubilinan ni Trillanes si PNoy na magbigay na malinaw na direksiyon sa tatahakin ng gobyerno sa kabila ng kaliwa’t kanang problema na kinahaharap ng bansa, ang pinakahuli ay ang tinaguriang “Maguindanao carnage”.