KAHIT may natitira pang isang termino bilang mayor ng Quezon City, isang incumbent public official ang nagbalita sa amin na kinukumbinsi raw ng isang powerful na kapwa elected local opisyal si Mayor Herbert Bautista na tumakbo para senador sa 2016 elections.
Pero hindi pa rin naman daw sumasang-ayon si Mayor Herbert dahil mas gusto raw nitong tapusin ang kanyang pangatlo at huling termino bilang mayor ng Kyusi.
Maganda rin naman ang performance ni Mayor Herbert at malaki ang posibilidad na mapasama siya sa labindalawang elected senators sa darating na 2016. Pero ayon sa kausap namin, maaaring pinatatakbong senador si Mayor Herbert para mapagbigyan nang mas maaga ang pangarap ng kampo raw ng kasalukuyang bise alkalde na maupong mayor, si Vice Mayor Joy Belmonte.
Pero may mga kumakalat din namang balita na nagbabalak daw na bumalik bilang mayor ng QC si House Speaker Sonny Belmonte.
Marami pa ang posibleng mangyari bago sumapit ang 2016 elections. Kung mapipilitan si Mayor Herbert na tumakbo for senador, tiyak na mapapalaban siya sa mga pangalang Leni Robredo, Kiko Pangilinan, Leila de Lima, Joel Villanueva, Vilma Santos at marami pang iba na ngayon pa lang ay matunog na ang mga pangalan bilang senatoriables.