CAGAYAN DE ORO CITY – Tatlong katao ang nawawala makaraang masunog ang Hall of Justice sa Hayes Street sa siyudad na ito dakong 9:00 ng umaga kahapon, na malaking bulto ng mga dokumento ang naabo.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), aabot sa P28 milyon ang halaga ng ari-arian na nasira sa insidente.
Ilang pagsabog ang nangyari sa dalawang sangay ng Cagayan de Oro Regional Trial Court (RTC) sa Hall of Justice, na roon nakaimbak ang mga bala, granada at iba pang pampasabog na ginamit na ebidensiya sa iba’t ibang kaso.
Sinabi ni District Fire Marshall Supt. Shirley Teleron na posibleng short circuit sa electrical system ng gusali ang pinagmulan ng sunog.
Ayon sa BFP, hindi naman naapektuhan ng sunog ang dalawang sangay ng korte, ang Branches 40 at 41, na matatagpuan sa hiwalay na gusali.